Friday, January 9, 2009

Ang pagtatag sa Israel at ang digmaan sa Gitnang-Silangan

Kaya nangyari noong 29 ng Nobyembre 1947, sa bisa ng UN resolution, hinati ang teritoryo ng Palestine at binalak na itayo ang Palestinian Arab State sa kalahati, at ang natirang kalahati ay ibigay sa mga Jews. Ang resulta, pinaalis ang halos 800,000 na Palestino sa lupain na kung tawagin ngayon ay Israel. Karamihan sa kanila ay napunta bilang mga refugees sa West Bank at Gaza Strip na siya namang binubomba ng Israel ngayon.
Isa sa pinakanapakapangilabot na nangyari noong pangalawang pandaigdigang digmaan ay ang muntik ng pagkaubos ng angkan ng mga Jews sa pamamagitan ng sistematikong paglason sa kanila sa gas chambers sa pamumuno ni Adolf Hitler, lider ng Alemania, na naniniwala na ang mga Jews ang ugat ng maraming problema sa mundo: paniniwalang marahil ay nagsimula sa mga pahayag ng tanyag na Aleman na theologian at manunulat na si Martin Luther. Ang pangyayaring ito ay kilala sa tawag na Holocaust, na nabigyang-buhay sa pelikula, tulad ng Sciendler's List ng director na si Steven Spielberg na isa ring Jew. Kabilang dito ang milyon-milyong mga taong namatay, bilyon-bilyong ari-arian na nawasak, at, higit sa lahat, ang pag-antala sa pagsulong at pag-unlad ng kaalaman at pamumuhay ng tao.

Kaya naman nagpagsiya ang mga malalaki at maimpluwinsiyang bansa, sa pangunguna ng America, Englatera, Tsina, Pranses, at Union Sovietica na bumuo ng isang pandaigdigang organisasyon. Isinilang ang United Nations noong 24 ng Oktobre 1945 na may pangunahing layunin na pumagitna sa ano mang gusot, ng alin mang bansa, upang hindi na lumaki at maging sanhi ng isa na namang pandaigdigang digmaan.

Ang UN ay hindi unang pandaigdigang organisation na itinayo upang mapigilan ang pagsiklab ng pandaigdigang digmaan. Matatandaan na bago ang UN, may roong League of Nations na sinimulang itinatag noong unang digmaang pandaigdig. Nang hindi nito napigilan ang pagsiklab ng pangalawang digmaang pandaigdig nawalan ito ng saysay.

Isa sa mga unang napagpasiyahan ng UN ay ang pagbigay sa mga Jews ng lupain kung saan sila maaaring mamuhay ng matahimik. Kaya nangyari noong 29 ng Nobyembre 1947, sa bisa ng UN resolution, hinati ang teritoryo ng Palestine at binalak na itayo ang Palestinian Arab State sa kalahati, at ang natirang kalahati ay ibigay sa mga Jews. Ang resulta, pinaalis ang halos 800,000 na Palestino sa lupain na kung tawagin ngayon ay Israel. Karamihan sa kanila ay napunta bilang mga refugees sa West Bank at Gaza Strip na siya namang binubomba ng Israel ngayon.

Mariing kinundina ito ng mga Arab Nations na nakapaligid sa Israel, at may roong nagsasabi na ang hakbang na ito ang nagbigay buhay sa mga kilusang terorismo na hangad ubusin ang mga Kano at mga kasamahan nito, na nagpasimuno sa UN. Paano kasi, ang Gitnang Silangan ay kuta ng mga Muslim. Malaking insulto sa kanila ang pagkuha sa teritoryo ng mga Palestino, na kapwa nila Muslim, at doon itinatag ang bansa (Israel) ng mga taong (Jews) para sa kanila ay mga mababang uri. Apang, ayon sa mga nakakaalam ng kasaysayan, ang kinalalagyan ng Israel ay lupa ng mga Jews; kaya ang lumalabas, binigay lang ng UN sa mga Jews ang lupaing kanila.

Dahil makapangyarihan ang UN, walang nagawa ang mga Arab Nations pati na ang mga Palestino. Ang mga extrimists sa kanila ay nagsagawa ng terrorist attacks laban sa mga Jews. Sinasaktan o di kaya pinapatay nila ang mga sibilyan para matakot ang mga Jews at lisanin ng mga ito ang Israel upang tuluyan ng mabura ito sa mapa.

Noong 1948, o isang taon pagkatapos itinatag ang Israel sa bisa ng UN resolution, sinakop ng Jordan ang silangang bahagi ng Jerusalem (East Jerusalem) kung saan matatagpuan ang mga itinuturing ng Judaism, Christianity, at Islam bilang mga banal na lugar tulad ng Temple Mount, Western or Wailing Wall, Al-Aqsa Mosque, at ang Church of the Holy Sepulchre.

Noong 1967, sa loob ng anim na araw, sinakop ng Israel ang Golan Heights (mula Syria), Gaza Strip at Sinai Peninsula (mula Egypt), West Bank (mula Jordan) at binawi ng Israel mula Jordan ang silangang bahagi ng Jerusalem. Maliban sa Sanai Peninsula na binalik ng Israel sa Egypt noong 1979, ang mga nabanggit ay mas kilala ngayon sa tawag na Israel occupied territories.

Ang Palestinian Liberation Organization (PLO) ay ang umbrella organization ng mga militante na namumuno sa pakikipaglaban sa Israel. Itinatag noong 1946 ng mga bansang pinangungunahan ng Egypt, Iraq, Jordan, Lebanon, Saudi Arabia, at Syria, na pawang mga Muslim, at ang tanging layunin lamang ay mapalaya ang mga Palestino, at siyempre narin, mabura ang Israel sa mapa, sa paraan ng pakikidigma.

Nagtayo ang bansang Israel ng mga bahay sa Occupied Territories saan nagsasaka ang karamihan sa mga Jews na nandoon. Na ikinagalit naman ng mga Palestinong refugee, hindi lang dahil nauubasan ng tubig ang mga magsasakang Palestino dahil sa pamamaraan ng pagsasaka ng mga Jews, kundi, ayon sa mga Palestino, pamamaraan ito ng Israel upang patalsikin na naman sila ulit samantalang nandoon nga sila dahil pinalayas sila sa dati nilang lugar, ang kinalalagyan ng Israel.

Para matigil ang kanilang matagal ng awayan, napagkasunduan ng PLO at ng Israel, sa tulong ng Norway, na itinatag noong 1994 ang Palestinian National Authority (PNA) upang mamahala sa teritoryo ng mga Palestino na kinabibilangan ng bahagi ng West Bank at ng Gaza Strip.

Tatlong Palestino ang tumatag noong 1987 ng samang tinawag nilang Hamas na walang pagkakaiba sa layunin ng iba at nuana ng samahan: burahin ang Israel sa mapa ng mundo. Nakilala ng mundo ang Hamas dahil sa pagsasagawa nila ng mga suicide attacks sa mga sibilyan at sundalo ng Israel; napamahal naman ang mga Palestino sa Hamas dahil sa ekstensibong programang pampubliko na isinasagaw nito sa pagpatayo ng mga ospital, paaralan, aralan, at iba pa. Kaya naman, noong Enero 2006, ginulat ng Hamas ang mundo sa pagkapanalo nito sa Palestinian parliamentary elections.

Makikitang hindi nagtatagumpay ang PNA sapagkat kamakailan lang pinaulanan ng bomba ng Israel ang Palestine. Self-defense ang katwiran ng Israel. Kailangan nilang gawin ito upang matigil na ang pagpapalipad ng rockets ng mga extremist na mga Palestino na pumapatay sa mga sibilyan at sumisiria sa mga ari-arian ng mga taga-Israel. Apang ang karamihan sa mundo ay hindi naniniwala sa Israel. May nagsasabing labis-labis ang karahasang ginamit ng Israel. Puno ang telebesyon, radyo, at diyaryo ng larawan ng mga bata at sibilyang Palestino na kaawa-awang nasusugatan o di kaya'y namamatay sa mga bomba ng Israel. Collateral damage lang daw ang mga ito, sagot ng Israel. Hindi maiwasan dahil sa madla nagtatago ang mga kalaban. Ang mga Palestino ay nagnanais na burahin ang Isarael sa mapa ng mundo, at ang Israel, marahil sa takot rin na magtagumpay sa kanilang layunin ang mga Palestino, paunti-unti narin nilang binubura ang mga ito sa mundo sa pagbobomba at sa pagsasara ng mga borders ng West Bank at Gaza. Libo-libong mga Palestino na ngayon ang nangangailangan ng tubig at pagkain na hindi na matustusan ng World Food Organization, organ na kabilang sa UN, gaya ng dati nang bukas pa ang mga borders.

Hindi pa makikita ang katapusan ng gulo sa Gitnang-Silangan. Ang magkabilang panig ay naghihingian ng mga bagay na ayaw naman pakawalan ng isa. Halimbawa nalang ang silangang bahagi ni Jerusalem. Sa tingin ng mga Palestino, sila dapat ang namamahala doon. Ayaw naman bitiwan ito ng Israel.

Marami ang natatakot. May tanong sa isip kung ito na ba ang simula ng pangatlong pandaigdigang digmaan na hinulaan ng marami.

Ang sagot ay nakasalalay hindi sa United Nations, kundi sa mga bumubuo nito, dahil sila ang pinagmumulan ng kapangyarihan ng organisasyon. Handa ba silang gawin ang lahat para matupad ang hangaring hindi na tayo ulit magpatayan? Mukhang walang balak ang Palestine at Israel na magkasundo.

Nagpasa na ng resolusyon ang United Nations na ipatigil ang pag-atake ng Israel sa Palestine. Hindi bumuto ang America kahit na sinosuportahan nito ang resolution. Ayon kay Secretary of State Condoleezza Rice, mas luyag daw hintayin ng America ang maging resulta ng usapang pangkapayapaan kung saan ang Egypt and pumapagitna sa Israel at Palestine.

Samantala, patuloy parin ang pagbomba ng Israel sa Gaza at pagsakop dito ng mga sundalo. Ang Hamas naman ay patuloy na nagpapalipad ng kanilang mga rockets patungo sa mga bahay ng mga Jews.

1 comment:

  1. kailan sinakop ang israel???
    paano ito sinakop???
    taon ng paglaya???

    ReplyDelete